Monday, February 10, 2014

Ihanda na ang Auto...


Ikaw lang yata ang public figure na iniyakan ko.

Oo, nalungkot ako nung namatay si Karl Roy at Dolphy. Ngunit sa lahat ng funeral na nakita ko sa balita, sayo lang nangilid ang luha ko.

Tumingin na lang ako sa salamin ng bus nung nakita kong binabalita ka. Natanong ko ulit sa sarili ko, "Bakit ang mga weird na matitino ang laging nauuna sa hukay?"

Di ko talaga alam kung anong mararamdaman ko. Nakatutuwang isipin na kahit sa paghimalay mo, may mga taong naaalala ka. Di ka naman sing-sikat ni Piolo Pascual, o kung sinong matinee idol na sikat ngayon, may mga taong nakaka-alala sayo dahil sa iniwan mong bakas.

Kasama ka sa pagtanda ko. Kinalakihan kita hanggang college. Feeling hipster kami ng mga kuya ko dahil akala namin kami lang ang nakakaalam ng show mo na Strangebrew. Si Julia Clarete pa yung unang Erning nun, pero swak na swak pa rin si Angel na naging Erning. Lagi naming inaabangan yung show mo tuwing hapon. Malabo pa reception sa TV nun pero pinagti-tiyagaan naming magkakapatid dahil kakaiba ang palabas ninyo. Marinig lang namin yung intro na kanta ni Rico J Puno, tutok na kami. Aakaling sa una'y walang katuturan, wala kwenta. Pero sa totoo lang may mga naisisingit kayong satire jokes na grabeng pumailalim na hindi talaga mage-gets ng madla. Iba rin ang humor niyo, lalo na pag sumingit si Ramon at Jun sa eksena. At sino ba namang hindi makakalimot sa paandar mo na, "Erning, ihanda mo na ang auto," sabay sabi ni Erning, "Tama!" with matching chabakano language on the side.

Ngayon, hindi na auto mo ang ihahanda, kundi karo ng panghimlay. Napakahirap tanggapin na maglalahong parang bula ang pangarap kong magkakaroon ulit ng timeslot ang Strangebrew sa ere. Wala nang mag-aayos ng auto. Wala na ring kakain ng pinaghalo-halong weird na pagkain. Hindi na rin magdi-disguise na tubero sa Ramon Bautista at maghuhulog ng sabon para abutin mo. Wala na rin action sequence na masasalihan si Jun Sabayton na kasama ka. Wala na ring kasagutan si Erning ng "Tama!" At di man ako nakakakinig ng Brewrats sa radyo, alam kong kung ano man ang inumpisahan niyo sa telebisyon eh tinuloy niyo lang on-air.

Nakakapanghinayang. Bata ka pa. Di ba breadwinner ka ng pamilya? Di ba may pinaglalaban ka pa para sa bansa? Di ba magsusulat ka pa ng maraming libro? Di ba may mga gigs ka pang pupuntahan? Bakit bigla kang nawala?

Sadyang mapaglaro ang buhay. Pero kelangang tanggapin na nangyari na ang hindi inaasahan. Iniisip ko pa naman na kakaiba yung pagpanaw mo. Yung tipong death by music o namatay ka sa pakikipaglaban sayong adbokasiya. Pero sa ganitong paraan? Hindi yata tama.

Alam kong wala nang magagawa ang panghihinayang ko sayo. Kaya magpapasalamat na lang ako.

Salamat Arvin sa pagiging parte ng college life ko.

Salamat Arvin sa pakikibaka mo sa kalsada kahit kinukutya ka na ng ibang taong walang ginawa kundi mangutya para lang kumita.

Salamat Arvin at pinatunayan mo na hindi kelangan ng magandang mukha para makilala ng madla, maiparating lang ang iyong hangarin.

Kahit hindi kita kilala ng personal at nakita lang kita minsan na nagbebenta ng tshirt sa isang gig, nagpapasalamat pa rin ako na kahit papano, masasabi kong pisikal kitang nakita, Kahit literal na nagkabanggaan lang tayo.

Gayahin man ng iba ang istilo mo, ikaw pa rin ang nagiisang Tado. Tado ka kasi eh.

Paalam kaibigan. Nakahanda na ang auto mo sa langit.


Arvin "TADO' Jimenez

1974~2014

No comments:

Post a Comment